Ni Sherielou Isabel G. Cruz at Ashley Nicole Somintac – ANG PAGSULONG
(June-December 2017 Issue)
Tumaas ang antas ng kakayahan at pang-unawa sa pagbabasa ng English ng 37% o 100 bata sa ikatlong baitang na dating nasa Frustration Level. Ito ay base sa ulat na ibinahagi sa mga magulang ng mga guro sa ikatlong baitang sa nakaraang Project REAR (reading enhancement and remediation) Culminating Activity noong Setyembre 29. Mula sa resulta ng Phil-IRI na 33.58%, ito ay tumaas sa 51.83% sa unang markahan, at naging 64.03% sa pangalawa o tumaas 12.20%.
Ang Project REAR ay isang proyekto ng paaralan na pinamumunan ng punongguro at kaakibat ang mga guro sa ikatlong baitang sa pangunguna ni Gng. Ivy Anne Ortiz. Ito ay naglalayong maitaas ang antas ng pang-unawa sa pagbabasa sa English ng 37% o 100 batang nasa ikatlong baitang na nasa Frustration Level. Mula sa mababang marka, iniulat na tumaas patungong Instructional at Independent Level ang pang-unawa sa pagbabasa ng mga mg-aaral. Iniulat din sa mga magulang ang mga sanhi kung bakit mababa ang antas ng pang-unawa sa English ng mga mag-aaral at kung ano ang mga ginawang paraan upang ang mga ito ay tugunan. Sa pamamagitan ng prosesong nakapaloob sa proyekto, isa-isang isinagawa ng mga guro ang mga paraan para maitaas ang antas ng pang-unawa ng mga batang kasali. Pinili ang mga mag-aaral ayon sa resulta ng Grade III Phil-IRI.
May apat na bahagi ang proyekto na sinimulan noong Hunyo 25 at tumagal hanggang Setyembre 26. Bawat bahagi ay may mga hakbang na sinunod, tulad ng pangangalap ng mga impormasyon tungkol sa mga mag-aaral, pag-gawa ng mga materyal, pagsasagawa ng 30 minutong reading enhancement and remediation, pagmamasid at pagsusuri ng mga resulta.
Mga mabisang istratehiya sa pagbabasa ang ginamit para sa mga piling mag-aaral. Araw-araw na pagbabasa ng kwento at pagsagot ng mga katanungan na gamit ang Developing Reading Power for Grade III , pag-gamit ng play based strategy sa paglinang ng talasalitaan o vocabulary, Start with a Reading / Listening Text (SWARLT), science news, at starfall.com.
Nagpahatid ng pasasalamat si Bb. Norma B. Jamon sa mga magulang na nakiisa sa proyekto, sa mga donors na nag donate ng mga aklat at sa mga guro sa ikatlong baitang na naging katuwang upang maging matagumpay ang Project REAR.