“Ang pakikibahagi ng sarili ang tunay na diwa ng pagkapinuno.”
Ito ang mariing sinabi ni Norma B. Jamon, prinsipal ng Mababang Paaralan ng Juan Sumulong bilang pinunong tagapagtalaga sa tungkulin ng bagong halal na mga pinuno ng General Parents Teachers Association na ginanap sa Home Economics Room noong Hulyo 3.
“Sumumpa kayong maglilingkod nang buong katapatan, kaya nararapat lamang na paninindigan ninyo ang panunumpang inyong ginawa at nilagdaan,” ayon pa kay Mam Jamon.
Sinabi ng prinsipal na kung ang layunin ng mga pinuno ay para lamang magkamit ng karangalan at hindi ang maglingkod sa paaralan, hinamon niya ang mga itong magbitiw na sa tungkulin.
“Kung ang adhikain ninyo ay magkaroon lamang ng leadership award, magbitiw na kayo ngayon pa lamang dahil hindi kayo karapat-dapat sa posisyon ninyo. Ang tunay na pinuno ay nagtatrabaho at ginagampanan ang tungkulin nang walang hinihintay na kapalit,” hamon pa ng prinsipal.
Ang karangalan aniya ay hindi hinihingi kundi kusang ibinibigay sa mga pinunong karapat-dapat.
“Hindi lahat kayo ay humahawak ng mga pangunahing posisyon, ngunit kung lahat ay mag-aambag ng inyong sarili para sa ikauunlad ng ating paaralan kailangan nating magsilbi o magserbisyo sa mga mag-aaral at suportahan natin ang mga programa, walang salang makakamit natin ang ating mithiin,” pagwawakas pa ni Mam Jamon.